Manananggal sa EDSA
Naalala ko sa libro ni Bob Ong na Stainless Longganisa ang kanyang pagkamangha sa mga manananggal at sa digestive system nito. Malaking misteryo sa kanya kung paano dinidigest ng mga manananggal ang mga biktima nito sa kadahilanang ang kanyang mga bituka ay nasa naiwang bahagi ng kanyang katawan. Naalala ko ang manananggal nang makita ang mga pangyayari sa bansa natin ngayon.
Ang Pilipinas ay parang manananggal. Kung hindi mo alam ang manananggal, kawawa ka naman, hindi ko na problema yan. Ang dami na ngang problema ng bansa, wag ka na dumagdag. Balik tayo sa problema ng Pilipinas. Dapat ipinagdiriwang nung sabado ang kaisa-isang EDSA Revolution na hindi na mauulit muli. Kahit anong gaya, iba pa rin ang orig. Parang first love, first kiss, first salary... iba ang ligaya, iba ang epekto. Ngayon, walang dapat ipagdiwang. Magiging hipokrito ako kung hindi ko ipagbubunyi ang paborito kong anunsyo na "Walang Pasok," pero maliban doon at sa masarap na pagkain, walang dapat ikasaya. Problema ang kinahaharap ng gobyerno, marahil sila ang ugat, o sila mismo ang problema, sila na ang nakakaalam, malalaki na sila.
Bakit ko sinabing parang manananggal ang Pilipinas? Sa isang simpleng kadahilanan - ang Pilipinas ay hati. Nakahiwalay ang ulo sa ibabang bahagi ng katawan. Hiwalay ang ulo o mga pinuno at mga nasa kaitaas-taasan sa mga taong nasa ibaba. Hiwalay ang gobyerno, hiwalay ang militar, hiwalay ang simbahan, hiwalay ang karaniwang tao. Hindi mo alam kung sino ang humiwalay pero alam mong may humilay, may nang-iwan, at may naiwan. Habang lumilipad at aktibo ang ulo at "upper torso," nasa baba naman ang "lower limbs" at nakatanga, naghihintay ng muling pagbabalik ni "upper torso."
Bakit iba ang EDSA 1? Dahil ang mga tao dati ay iisa, hindi hiwalay. Marahil hiwalay dahil may oposisyon at ibang loyalista, pero nagkaisa din ang lahat para sa kapayapaan at kaginhawaan ng bansa. Sundalo, politiko, simbahan, mga tao -- nagkaisa at nagsama-sama. Sa madaling salita, for the common good. Ngayon, hindi ko maintindihan ang mga balita. Ano na ang nangyari sa bansa natin?
Kung ihahalintulad sa manananggal, dati ang Pilipinas ay nasa liwanag, isang magandang dalaga na buo ang katawan, kahali-halina sa mga manliligaw aka foreign investors at turista. Pero sa kasamaang palad, sa pagsapit ng dilim, dumating ang mga madidilim na araw ng Pilipinas... nilagyan ng langis ang baywang, at unti-unting nahati ang katawan at lumabas ang maiitim na pakpak. Lumabas ang kasamaan ng mga tao, ng mga Pilipino. Naging masama at pangit manananggal ang dating mahinhin at kaakit-akit na dalagang itago nating sa pangalang Pilipinas. Habang lumilipad ang ulo at itaas na bahagi ng katawan at naghahasik ng lagim sa paligid, ang ibabang bahagi (lower limbs) naman ay binubudburan na ng asin at bawang. Habang ang nasa taas ay lalong tumataas at nagpapakabusog, ang nasa baba naman ay natatapakan, nasasaktan, at iniwan. Kung hindi magsasama ang taas at baba ng manananggal upang magbalik sa anyo ng isang karaniwang tao bago magbukang-liwayway, pareho lang silang masasawi. Habang hiwalay ang mga manananggal, kahit mukhang silang makapangyarihan, talo pa rin sila sa bawang ng kahirapan at asin ng kasakiman, na syang papatay sa kanila. Habang hiwalay ang Pilipinas, walang panalo. Hindi pa huli para sa Pilipinas na mag-volt-in at ilabas ang taglay na kabutihan at kagandahan. Hope things turn out well...